Sunday, December 4, 2011

Magellan Cross (krus ni magellan)

Posted by admin at 1:58 AM
Ang Magellan’s Cross ay ang pinakatampok sa mga makasaysayang pook sa Lungsod Cebu na Sugbu pa ang katawagan noong dumating ang grupo ng manunuklas at nabigador na Portuges na si Fernao Magalhaes (Fernando Magallanes sa Kastila) o higit na kilala bilang si Ferdinand Magellan. Isang maliit na nayon ng mga mangingisda lamang ang Cebu ng panahong iyon. Noong Abril 21, 1521 ay nagpabinyag ang bagong kaibigan ni Magellan na si Rajah Humabon, ang kanyang asawa at higit sa 300 na mandirigma ng Rajah kay Padre Pedro Valderama.

Bilang tagapagpagunita ng pangyayaring ito at upang ipagdiwang ang pagtanggap at pagpapalaganap ng Katolisismo ay nagtirik ng isang krus na kahoy si Magellan sa dako kung saan makikita ngayon ang isang krus na sinasabing kopya na lamang ng orihinal na krus ni Magellan. Ayon sa nakasulat sa lapida sa bandang ibaba ng krus, nakapaloob sa krus na ito na gawa sa tindalo ang tunay na krus.


Ang krus ni Magellan sa Cebu City ay pinaniniwalaang krus na dala-dala ni Magellan nang siya at ang kanyang mga tauhan ay lumapag sa Cebu upang dahil ang Katolisismo sa ating bansa.



Ang Loob ng Kapilya ng Krus ni Magallanes

Dating bukas na dambana ang krus subali’t noong unti-unti nang tinatapyas ng mga deboto ang krus upang makapag-uwi ng relikyang pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng karamdaman o upang gawing alaala, ay itinago na ito at nagpatayo ang pamahalaan ng kapilyang gawa sa adobe, kahoy at pulang tisa sa paligid nito. May nagsasabing ang orihinal na krus ni Magellan ay matagal nang nawasak at pinalitan na lamang ito ng mga kastilang dumating pagkatapos ni Magellan na napatay ng pinuno ng tribo na si Lapu-Lapu sa labanan sa Mactan, na isang pook din sa Cebu. Sa loob ng kapilya ay may nakapintang mga eksena sa kisame. Matutunghayan ang eksena ng pagdaong ng barko ni Magellan sa Cebu, ang unang pagdaraos ng Banal na Misa, at ang pagtitirik ng orihinal na krus sa dalampasigan.

Bukas sa lahat at walang bayad ang pagpasok sa kapilya nguni’t kung malaki ang grupo na nais bumisita sa krus ay kailangang pagpangkat-pangkatin ang mga kasama nito dahil na rin sa liit ng kapilya. Makakapanalangin sa kapilya at makapagsisindi ng kandila na binili sa kaunting barya mula sa nagtitinda malapit sa kapilya. Sa lapidang nasa may pintuan ng kapilya ay naisatitik ang kasaysayan ng Krus ni Magallanes at ang kahalagahan nito sa mga Cebuano. Dantaon nang pinagpipitaganan ang krus ng mga deboto sa lahat ng antas ng lipunan.



Payong Panlakbay

Magbaon ng tubig sa paglalakbay. Malapit lamang ang Krus ni Magallanes sa iba pang makasaysayang pook tulad ng Fort San Pedro, Malacañang ng Timog at nasa labas lamang ito ng Basilica Minore del Santo Niño . Sa paligid lamang ng kapilya ng Krus ay may mga tindahan ng gitara, ng mga bagay na gawa sa shell at sa iniukit na kahoy. Ang mga produktong ito ay bumebenta sa mga turistang lokal at dayo mula sa ibang bansa.

Makikita ang kapilya ng Krus ni Magallanes sa harap lamang ng gusali ng Sangay Lehislatibo ng Cebu, ang binansagang Queen City of the South, sa kalye Magallanes. Ipinangalan naman ito sa Portuges na manunuklas at nabigador. Malapit lamang ito sa daungan ng barko.

Ang pinakamabilis na paraan nang pagpunta sa kapilya ng Krus ay ang pagsakay sa taksi. Alam ng lahat ng drayber kung nasaan ang lugar. Kung manggagaling sa loob ng lungsod ay Php 60 lamang pataas ang pamasahe nguni’t kung sa Lungsod Lapu-Lapu pa magmumula ay aabutin ito ng Php 200 pataas. Kung mahilig sa adventure at nais na maglakbay sa lungsod sakay ng pampasaherong sasakyan ay maaaring magdyip na lamang. May mga sadyang hintuan ng dyip na bumibiyahe malapit sa kapilya ng Krus. Sumakay sa dyip na may karatulang Basilica.

Pagpapahalaga ng mga Cebuano sa Krus ni Magallanes

Ginagamit na simbolo ang Krus ng pamahalaan ng lungsod at makikita ang imahen ng kapilya sa opisyal na tatak ng Lungsod Cebu. Maraming pribadong organisasyon at tanggapan ng pamahalaan na nakabase sa Cebu ang gumagamit sa Krus ni Magallanes sa kanilang tatak o logo.



0 comments:

Post a Comment

 

Copyright © 2011 Tungkol sa Pilipinas - Kasaysayan, Mga Bayani, Magagandang tanawin All Rights Reserved