Saturday, December 3, 2011

Andres Bonifacio

Posted by admin at 9:16 AM

Si Andres Bonifacio (Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897) ay siyang namuno sa rebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya, ang unang rebolusyon sa Asya na lumaban sa pananakop ng mga bansang imperyalista sa Europa.

Siya ay isinilang noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tondo, Maynila. Ang kanyang magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Siya ay nagsimulang mag-aral sa paaralan ni Don Guillermo Osme?a sa Meisic sa Binondo, Maynila subalit siya'y maagang nahinto sa pag-aaral. Bagamat siya'y nahinto sa pag-aaral, may angkin siyang talino at marunong siyang bumasa at sumulat, at dalubhasa na rin sa pagsasalita sa wikang Kastila.
Naulila sa magulang nang maaaga sa edad na 14. Naging tindero siya ng ratan at pamaypay na gawa sa papel de hapon. Nagtrabaho din siya bilang clerk, sales agent at bodegista (warehouseman). Nahilig siyang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal at nang itinatag ang La Liga Filipina, sumapi siya kasama ni Apolinario Mabini.
Bagamat mahirap ay mahilig bumasa at sumulat ng mga bagay na may kabuluhan lalo na kung ito ay tungkol sa bayan, karapatang-pantao at kasarinlan ng inang-bayan. Siya ay may diwa ng paghihimagsik laban sa malupit na mananakop na Kastila. Siya rin ay nagnais na magbangon ng pamahalaang malaya na naging daan upang kanyang maitatag ang Katipunan na kakatawan sa himagsikan at upang maging wasto at panatag sa kanyang adhikaing kalayaan ng bayan. Noong 1892, matapos dakpin at ipatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan o kilala rin bilang "Kataastasan,Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan" (KKK), isang lihim na kapisanang mapanghimagsik, na di naglaon ay naging sentro ng hukbong Pilipinong mapanghimagsik. Kasama ni Bonifacio ay sina Valentin Diaz, Deodato Arellano (bayaw ni Marcelo H. del Pilar), Teodoro Plata (bayaw ni Bonifacio), Ladislao Diwa, at ilang manggagawa sa pagtatag ng Katipunan sa Calle Azcarraga (ngayon ay Avenida Claro M. Recto) malapit sa Calle Candelaria (ngayon ay Kalye Elcano).
Sa pagtatag ng Katipunan, kinilala si Andres Bonifacio bilang "Ama ng Rebolusyon" sa Pilipinas. Si Bonifacio at ang kanyang mga kasamahan sa Katipunan ay may iisang layunin na marahil ay siyang naging dahilan upang ang kanilang pakikidigma ay maging matagumpay.
Sa Katipunan, "Supremo" ang kanyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan". Dito rin niya nakilala si Gregoria de Jesus na tinawag niyang Lakambini. Noong Agosto 23, 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin (ngayo'y Bahay Toro, Project 8, Lungsod Quezon) sa Balintawak ay tinipon nya ang mga Katipunero at isa isa'y pinunit ang kanilang mga sedula.
Sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang naganap sa Tejeros, Cavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang lumahok ay mula sa Cavite lamang. Nanalo sa pagka-pangulo si Emilio Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mababang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob (Interior Director).
Dahil sa ang mga kasapi ng Magdalo ay mga may kayang tao sa hilagang-kanlurang bahagi ng Kabite at kanilang mga taga-sunod, ayaw nila kay Andres Bonifacio sapagkat ito ay isang laki sa hirap at ayaw nilang tanggapin na sila ay pinamumunuan ng isang mahirap na kagaya ng Supremo kaya't minamaliit nila ang kakayahan nito. Nang sinubukan ng mga kasapi ng lupon ng mga Magdalo na usisain ang kakayahan ni Andr?s Bonifacio na gawin ang tungkulin ng isang Tagapangasiwa ng Panloob, na ayon sa kanila ay gawain lamang ng isang abogado, nainsulto si Bonifacio. Idineklara ng Supremo, bilang pangulo ng Katipunan, na walang bisa ang naganap na eleksyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil ng mga Magdalo. Habang hindi pa naka-aalis ng Cavite, siya ay ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kanyang mga tauhan. Iniutos kay Mariano Noriel na ibigay ang hatol sa isang selyadong sobre kay Lazaro Makapagal. Iniutos ang pagbaril kay Bonifacio kasama ang kanyang kapatid na lalaking si Procopio Bonifacio noong ika-10 ng Mayo, 1897 malapit sa Bundok Nagpatong (o Bundok Buntis). Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang labi niya.

0 comments:

Post a Comment

 

Copyright © 2011 Tungkol sa Pilipinas - Kasaysayan, Mga Bayani, Magagandang tanawin All Rights Reserved